Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Posts Tagged ‘oportunidad’

Matagal na panahon ng lumipas na may isa akong nakitang paanyaya para mag-ambag ng artikulo sa isang pahayagan sa aking eskwelahan. Matagal na akong nagsusulat ng mga tula, kwento at kung anu-ano ngunit ang isang ito’y sadyang pinaghirapan ko at masyado akong kampante na ang likhang aking nagawa ay talagang mapipili ngunit sa hindi ko inaasahang pagkakataon, ang pangarap kong iyon ay naglaho. Hindi ko man lamang naaninag ang mga katagang pinaghirapan ko.

Ako’y nanglumo, nalungkot at sinabing pagbabayaran n’yo ito!!!

Lumipas ang maraming taon, pursigido akong makita ang aking isinulat sa isang pahayagan. Patuloy akong nangarap… patuloy akong nagsulat. Sa mga nakakabasa ng aking likha, sabi nila’y ito’y magaganda ngunit hindi naman ako naniniwala. Unang-una, sila ay aking mga kaibigan, malay ko ba kung ako’y kanilang binobola lamang ng ‘di masaktan ang aking damdamin. Pangalawa, kailangan ko munang makita ang aking likha na nakalimbag sa isang pahayagan.

Sulat. Sulat. Sige, sulat pa. Sulat lang. Walang pagod akong nag-sulat.

At minsan nga, may isang gurong nakakita ng aking likha, nagustuhan nya ito at isinali ako sa espeyal na klase para sa mga posibleng maging manunulat ng aming paaralan. Para akong nasa langit sa araw-araw na pagpasok ko sa klase kong iyon. Sige, sulat. Sulat pa. Sulat pa uli. At sa wakas, nakita ko na rin ang aking likha sa mga pahayagan. Nasilayan ko na rin ang aking pangalan. Nakasali rin sa ilang paligsahan.

Patuloy akong nagsulat ngunit nahinto ng ako’y napasok sa mundo ng pagtatrabaho.

Trabaho lang ng trabaho. Walang oras magsulat. Paisa-isa, ako’y nagsusulat ngunit ang tinatawag kong “libro ng aking mga likha” ay naglaho. Nawalan na naman ng oras na magsulat. Nahinto. Hanggang sa wala na talagang panahon para rito. Ngunit ang pangarap na iyon ay nanatili sa aking puso.

Gusto ko talagang maging manunulat. Yung totoong manunulat.

Ngayon nga isang oportunidad ang nagbukas. Isang oportunidad na pinapanalangin kong hindi masayang. Ngayon na nagkaroon ng pagkakataon, ngayon pa akong parang naging sanggol na hindi malaman ang gagawin. Walang maisip. Walang masulat.

Hindi ko mawari kung bakit ganito. Ano nga ba ang gagawin ko? Matutupad pa ba ang pangarap ko? O mananatili na lang na ganito… Pangarap.

Ang Pangarap kong Maging Manunulat.

Read Full Post »