Mahilig ako sa litrato, larawan, kodakan, pitsur, kamera, potograpiya at ano pa mang may kinalaman dito.
Wala akong kamera. Ang kamera kong di-film pa ay sira na. Ang kamerang pinadala ng kapatid ko ay nangangamba pang makalas na. Ang cellphone kong may kamera ay nanakaw pa. Hay! Ang sarap ng buhay talaga :).
Mula pagkabata sa lahat ng okasyon may natatabi akong larawan bilang alaala. Minsan naroon ako, minsan mga kamag-anak o mga kaibigan o maging mga nakilala lamang na kung sino. Lahat ng iyon ay may isang dakot ng alaala- masaya man o may luhang kasama. Mahilig din akong kumuha ng larawan, mga bagay na simple at kakaiba, mga larawan ng taong nakasimangot o nakatawa, mga larawan ng taong kakilala o nadaan lang sa kalsada, kalikasang maganda o nasira na. Mayroon din akong mga larawang kinuha mula pagkabata hanggang sa pagkadalaga- binyag, kaarawan, bakasyon, outing, debut at kung anu-ano pa.
Ngayon ay wala na.
Lahat ng larawang iningatan at tinuring na yaman na nakatipon at laging dala-dala ay nabasa at naglaho na.
Ang mga bagay na kailanman ay hindi na maibabalik ay nasa alaala na lang talaga, wala ng maipapakitang larawang kayganda. Ano nga ba ang aking magagawa? Lubog sa tubig at putik ng madatnan ang mga larawang pinagka-ingat ingatan upang sana ay ibahagi sa susunod na henerasyon ng aking lahi.
Ngunit…
Wala na… wala na….
Sa lahat ng nawalang bagay sa aking buhay ng dahil sa bagyong nagdaan, hindi ko masukat ang panghihinayang na naramdaman sa mga larawan kong itinuturing kong yaman.
Wala na… wala na…
Ngunit wala na talaga akong magagawa kundi magpaalam sa mga bagay na nasira at nawala…
Korni man pero…
Paalam na mga litrato kong mahal!