Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Mga Paskil na Minarkahan ‘Ondoy’

Napanood ko ang Wonder Mom noong nakaraang Sabado at nakakaantig ang mga ipinalabas nila. Mga bagay na nagpaluha at kumurot sa aking damdamin. Mga karanasang nagpaantig ng puso ko’t isip. Mga taong kahanga-hanga at kaawa-awa.

Isa akong biktima ng Bagyong Ondoy. Bahay naming halos lumubog sa tubig baha. Buhay nami’y muntik ng mawala. Kabuhayan nami’y tuluyang nasira. Pero naniniwala akong hindi iyon ang dahilan upang tumigil sa pagtulong sa mga nasalanta. Noong mga nakaraang araw, ninais kong mag boluntir sa Sagip Kapamilya ngunit telepono’y puro busy talaga pero nagpatuloy pa rin ako hanggang sabi sa news hindi raw tuloy ang paggawa ng mga boluntir sa mga araw na nabanggit dahil sa paparating na bagyo pagkatapos ng Ondoy- si Pepeng.

At sa panonood ko nga ng Wonder Mom, napaisip ako at inusig ng konsensya para kasing kulang pa ang aking nagawa. 3 araw pagkatapos ng bagyo binisita ko ang aking mga dating kapitbahay na ayon sa balita ay lubos na nasalanta. Salamat sa Diyos at okay naman sila pero nag-abot pa rin ako ng unti nilang mami-miryenda. Nagbigay rin ako ng lumang damit sa mga nasalanta. At nangakong magbibigay ng unting makakain sa mga batang tinutulungan ng mga madre na nabiktima. Ngunit pakiramdam ko’y ito’y kulang pa. Para bagang, may dapat pa akong gawin sa ating mga kababayan. Tumawag ulit ako sa Sagip Kapamilya. Busy na naman. Marahil, hindi na sila tumatanggap ng boluntir dahil hindi na rin naman nababanggit sa balita at nag-fa-flash sa mga palatastas sa Kapamilya kaya daup-palad at pikit-matang nanalangin sa Poong Dakila. Ipinagdasal mga taong hanggang ngayon ay naghihinagpis dala ng unos na sinapit.

Marahil nga, mayroon pa akong magagawa, hindi man ngayon pero alam kong bubulungan ako ng Diyos upang mas makapaghatid pa ng mga tulong hindi lamang sa mga biktima ng bagyo kundi sa mga tao sa mundo lalo na sa bayan ko.

Panginoon, salamat po sa buhay na ibinigay Mo!

Basahin ang Buong Paskil »

Mahilig ako sa litrato, larawan, kodakan, pitsur, kamera, potograpiya at ano pa mang may kinalaman dito.

Wala akong kamera. Ang kamera kong di-film pa ay sira na. Ang kamerang pinadala ng kapatid ko ay nangangamba pang makalas na. Ang cellphone kong may kamera ay nanakaw pa. Hay! Ang sarap ng buhay talaga :).

Mula pagkabata sa lahat ng okasyon may natatabi akong larawan bilang alaala. Minsan naroon ako, minsan mga kamag-anak o mga kaibigan o maging mga nakilala lamang na kung sino. Lahat ng iyon ay may isang dakot ng alaala- masaya man o may luhang kasama. Mahilig din akong kumuha ng larawan, mga bagay na simple at kakaiba, mga larawan ng taong nakasimangot o nakatawa, mga larawan ng taong kakilala o nadaan lang sa kalsada, kalikasang maganda o nasira na. Mayroon din akong mga larawang kinuha mula pagkabata hanggang sa pagkadalaga- binyag, kaarawan, bakasyon, outing, debut at kung anu-ano pa.

Ngayon ay wala na.

Lahat ng larawang iningatan at tinuring na yaman na nakatipon at laging dala-dala ay nabasa at naglaho na.

Ang mga bagay na kailanman ay hindi na maibabalik ay nasa alaala na lang talaga, wala ng maipapakitang larawang kayganda. Ano nga ba ang aking magagawa? Lubog sa tubig at putik ng madatnan ang mga larawang pinagka-ingat ingatan upang sana ay ibahagi sa susunod na henerasyon ng aking lahi.

Ngunit…

Wala na… wala na….

Sa lahat ng nawalang bagay sa aking buhay ng dahil sa bagyong nagdaan, hindi ko masukat ang panghihinayang na naramdaman sa mga larawan kong itinuturing kong yaman.

Wala na… wala na…

Ngunit wala na talaga akong magagawa kundi magpaalam sa mga bagay na nasira at nawala…

Korni man pero…

Paalam na mga litrato kong mahal!

Basahin ang Buong Paskil »

Sa isang bahay sa isang baranggay sa Lungsod Quezon ako ipinanganak, lumaki at nagkaisip. Simple at payak ang aming pamumuhay ngunit hindi kailanman ako nakaranas ng kalunus-lunos na kalamidad sa aming lugar.

Umalis at nakipagsapalaran sa lugar na kailanman hindi ko pa natitirahan. Nag-aakalang mas makakabuti kung lilisan sa lugar na sinilangan.

Muli, maliit ngunit maayos ang aming tinitirahan. Masayang namumuhay ang nagsisimula kong pamilya. Puno ng pangarap at pag-asa. Mayaman sa ligaya at tawa. Hanggang dumating ang delubyong hindi inaasahan. Munting bahay nami’y binisita ng tubig bahang dala ng bagyong walang ‘sing dahas… ang pagsilip ni Ondoy sa aming munting tahanan.

Walang nag-aakala na mangyayari ito, maging ang mga kapit-bahay na nagsipaglaki sa lugar na iyon ay hindi makapaniwala sa nangyaring kalunus-lunos at kagila-gilalas. Walang handa. Walang naniwala na lalamunin ng baha ang buong baranggay ng lugar na aming tinitirhan.

Lahat ay nagtaka, walang naisalba ng lumalim ang baha at nagtuluy-tuloy na.

Umaga pa lang ay umuulan na ngunit hindi alintana ang panganib na amin palang mararanasan. Nagluto ng masarap ng pagkain para sa aming tanghalian. Kumain ng masaya at may ngiti sa mga mata. Pagkalipas ng ilang oras, parating na pala ang tubig-baha at sa ilang sandali, gatuhod na ang lalim. Unang inilikas, munti kong anak na walang muwang sa nagaganap na sakuna. Unting damit at gatas para sa kanya ang aming naisalba at kami’y nagpaalam na sa tahanang puno ng pangarap at munting yamang iniingat-ingatan.

Wala na akong ibang naisip pa kundi ang mailigtas ang munti kong prinsesa. Lahat ng tao sa aming baranggay ay lumisan tangay-tangay ang mabibitbit na basang kasangkapan. Hindi alam kung saan tutungo, hindi mawari kung anong mangyayari, ang tangi lang laman ng isip ay ang masagip ang sarili. Nakapagdurugo ng puso ang aming sinapit ngunit ako’y nagpasalamat sa Diyos at kami’y ligtas at may mga taong tumulong sa amin sa gitna ng bingit ng kamatayang aming naranasan.

Sa panahong iyon, doon ko nalaman na walang mayaman at mahirap ‘pag kalikasan na ang dumaing. Walang mayaman at mahirap sa gitna ng kalamidad. Walang mayaman at mahirap sa bingit ng kamatayan. At walang hihigit pa sa buhay ng pamilya kahit anu pang maiwan maisalba lang ang buhay ng bawat isa.

Basahin ang Buong Paskil »

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.